MISTERYO NG BUHAY AT PAGPAPALA NG DIYOS

Maraming bagay patungkol sa buhay ang mahirap maabot ng kaisipan, ni di kayang maunawaan kung bakit nagyayari...katulad na lamang ng kung bakit may mabubuting taong naghihirap habang may mga itim ang budhing nagtatamasa ng karangyaan sa buhay, mga taong masigasig at masipag na patuloy ang pakikipagsapalaran sa buhay at mga tamad na sila mismo ang umaayaw sa mga oportunidad na nakalatag sa kanila, may asawang hindi makuntento sa isa habang may mga taong halos lumakad ng paluhod magkaroon lamang ng katuwang sa buhay, mga batang ipinanganak upang magutom at abusuhin habang may mga mag-asawang abot langit ang hiling mabigyan lamang ng kahit na isang supling....


Hindi ko na tutukuying ngunit ilan sa mga nabanggit kong misteryo ng buhay ang aking naranasan,  Aaminin kong may mga pagkakataong naitanong ko sa Diyos kung bakit kailangan kong pagdaaanan ang mga ito..HIRAP at SAKIT, LUHA at PIGHATI...PAGTITIIS AT PASAKIT... Hangga't sa napagod na lamang ako sa kahahanap ng kasagutan at tinanggap ang malimit na isinasagot ng marami patungkol sa mga bagay na ito...MAY DAHILAN ANG DIYOS SA LAHAT NG NAGYAYARI SA BUHAY NATIN! 


Isinuko ko ang buhay sa Panginoon at ibinigay ang abot ng aking makakaya upang mapagsilbihan siya...hindi ako perpektong tao, nadarapa parin ako, at aaminin kong may mga aspeto pa ng buhay ko ang kailangang linisin ng Panginoon, ako'y patuloy paring hinuhubog ng Panginoon at panalangin ko't isang araw ay maging karapa't dapat ako sa pag-ibig Niya.  "Christians are not perfect, they are just forgiven" ang sabi ng aming pastor.


Patuloy parin ang aking pakikipaghamok sa buhay, nasasaktan parin ako, naghihirap at nagtitiis, ngunit ngayon di ko na naisip kuwestiyonin ang Diyos kung bakit kailangan ko paring maranasan ang mga ito sa kabila ng pagsuko ko ng buhay ko sa Kanya...dahil ngayon, mulat hindi lang ang mga mata ko kundi ang puso ko na makita at maramdaman na sa bawa't kabanata ng buhay ko, KASAMA KO ANG PANGINOON!  Madalas kapalit ng bawa't hirap at sakit na dulot ng aking kapwa ang misteryo ng pagpapalang nagmumula sa Kanya.  Maraming beses, paulit-ulit ako'y Kanyang ibinabangon at sa bawa't pagbangon ako ay nagiging mas matatag, kapalit ng kasalatan at biyayang nagmumula sa Diyos.  Nag-uumapaw, hindi nauubos! 


Tunay nga O Diyos na ikaw ang bukal ng karunungan at nakababatid ng lahat ng bagay, patuloy mong hulmahin ang aking pagkatao, pandayin ang isip upang matuklasan ang mga aral na iyong nais ituro, hubugin ang puso upang maging karapat dapat sa pagmamahal mo at imulat ang mga mata upang makita na Ikaw ay kasama ko sa bawa't sandali ng buhay ko!



BENTE PESOS....A LESSON ON GRATITUDE


Bigo sa paghahanap ng libro sa Cubao (nagtitipid kasi baka makamura :)) inabot kami ng gutom at nagpasyang kumain...Unlimited Rice!  San pa eh da sa Mang Inasal!  kung saan natuwa kami sa bilis ng serbisyo...pinakamaayos at pinakamabilis sa lahat ng branch na nakainan namin!  At nakuha ko pang mag post sa board nila :)  Paglabas ay biglang sumakit ang tiyan ng aking anak na si Yara...Oh no!"empacho"Wag naman please!apendisitis? Amin siyang pinaupo upang magpahinga,at nakatabi niya sa upuan ang isang matandang nakangiti sa amin at bumulong "konting tulong para sa masasakit kong tuhod" naalala ko tuloy ang aking ina na madalas sumakit ang tuhod at ugat sa paa (at aming "schlerotherapy" session) kung kaya't natigatig ako at nagbigay, binuksan ang pitaka at nakitang ang baryang natitira ay BENTE PESOS, alam kong di sasapat kahit yata pambili ng "pain reliever" ngunit binigay ko parin...Laking gulat ko ng nagningning ang kanyang mata at nagpakawala ng napakatamis na ngiti!  "Salamat po! Maraming Salamat!" wika niya, paulit ulit hindi tumitigil hanggat hindi kami nakakalayo.  Habang naglalakad sinabi ko kay Dex, "bente pesos palang ang naibigay ko ganun na ang pasasalamat ng matanda pano pa kaya kung isang daan!" Nakakatawa? Hindi! Nakakamangha? Oo



Sa taong likas ang pagkilala ng utang na loob...madali ang salitang Salamat!  At ang matandang binigyan ko ng Bente pesos ang sumasalamin sa salitang "GRATITUDE".  Puso niya'y taglay ang pasasalamat kahit sa maliit na bagay na ibinigay ng kanyang kapwa.  Kung mangyari mang mag krus muli ang aming landas, hindi ko palalampasin ang pagkakataong ako naman ang magsabi sa kanya "Salamat po! Maraming Salamat!"  sa napakamahalagang aral na aking natutunan kapalit ng barya kong Bente pesos...Salamat po O Diyos at hinipo Niyo ako at binigyan ng pagkakataong makadaupang palad ang matandang may pusong mapagpasalamat!

Ang Lobo at ang Sorbetes

Bilang panganay na anak ako ay nakaranas ng kamusmusan sa panahon kung saan kami ay hindi pa gaanong nakaaalwan sa buhay, naalala ko nuon na ang okasyon lamang upang ako ay nakakabili ng lobo at makakain ng masarap na sorbetes ay minsan isang taon, tuwing kami ay pupunta sa Antipolo para sa anibersaryo ng aking mga magulang.  Di maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko at buong pananabik ko inaabangan ang pagkakataong ito. Naalala ko rin nuong panahong lumipad ang lobong aking hawak hawak, di ako maawat sa pag iyak at pag-asang makukuhang muli ang lobong napakataas ng nakalipad,  sa tagal ng palahaw ay nakalimutan kong hawak hawak ko pa pala ang masarap na sorbetes na unti-unting natutunaw sa aking kamay...Naisip ko,kung hinayaan ko sana at tinanggap ang paghulagpos ng lobong iyon sa aking kamay ay di ko nahayaang matunaw ang sorbetes na aking hawak hawak.  Sa buhay madalas nararanasan natin ito dahil di natin makuhang pakawalan ang ilang bagay o tao ay nakakalimutan natin ang kahalagahan ng mga bagay na ating tangan tangan.  Inakala kong mahalaga ang lobong magara lamang sa paningin ngunit "hangin ang laman" kapalit ng masarap at nakakapawing init na sorbetes kong tangan.  Marahil ito ang dahilan kung kaya't di ko hinayaang maakit ang aking anak at mahalina sa makukulay at matatayog ng lobo, ngunit kapalit nito ay ang bawa't araw na buong pananabik namin inaabangan ang pagkalembang ng mamang sorbetero, di lamang minsan isang taon kundi bawa't araw kung may pagkakataon....Mamang sorbetero tayo'y sumayaw kalembang mong hawak muling ikaway ♪♫...Init ng buhay pinapawi mo, sama ng loob nalilimutan ko... ♪♫

Ang lumang kutson...A lesson on GIVING and HAPPINESS...

Matagal ko ng dinadaing na sumasakit ang likod ko sa luma kong kutson, kaya nagpasya akong gumamit ng "orthopedic bed" para maibsan ito. Ibinigay ko ang luma kong kutson sa isang kapitbahay na may 4 na anak, laking gulat ko na habang ang aking likod ay "nagiinarte" sa kutson na iyon, di magkasya sa tuwa ang mga bata dahil sa wakas ay di na sila matutulog sa malamig na semento...Minsan hindi kinakailangang ang pinakamagandang meron tayo ang inaasahang matanggap at magpapaligaya ng kapwa kundi ang atin lamang pagnanais na magbahagi ay SAPAT NA...Salamat po O Diyos sa araw na ito higit sa lahat sa aral na natutunan ko !

UBAS NG PAGSASAKRIPISYO

Habang ninanamnam ang ilang pirasong ubas na aking hiningi, biniro ko si Dex at sinabing : “pag may sumobra sa baon mo, pasalubungan mo naman ako ng ganitong katamis na ubas”, ngumiti lamang siya at sinabing “basta ikaw bibilhan kita”. Kakatapos pa lang ng enrolment kaya’t kami ay naghihigpit ng sinturon, kasama na rito ang paghihigpit sa kanyang weekly “allowance” kaya di ko inasahang mangyayari ito. Kinabukasan, pag-uwi niya may ningning sa mga mata at buong tamis na ngiting inabot ang isang supot ng Rustan’s! (sosyal!) “dahil espesyal ka at dahil mahal kita!” Ubas! Mas malalaki at mas mahal!!! Bilang isang praktikal na ina gusto ko siyang sitahin pero kinagat ko ang labi ko at pinalitan ang panghihinayang sa mahal na ubas ng isang pasasalamat…Dahil sa taong ito na handang isakripisyo ang ano mang meron siya upang mapasaya ang taong mahal niya. Salamat po O Diyos sa taong ito! Salamat po sa pagmumulat sa akin na ang wagas na pagmamahal ay walang katumbas na halaga at ito’y mag-uumapaw sa panahon man ng kagipitan. Gawin niyo pong karapat-dapat sa pag-ibig na ito.

Kalawang at Langis

Nakakataba ng puso ang mga reaksyon at personal na sulat mula sa kaibigang nakakabasa ng aking “status”, sa aking simpleng naising ibahagi ang mga aral ng buhay na aking natutunan mula sa mga simpleng bagay ay may mga tao pala akong naaabot at nabibigyang inspirasyon. Sa tagal na panahong huminto ako sa pagsusulat, inakala kong ako’y “kinalawang” na, ngunit ang Diyos na may bigay ng talentong ito ang “naglangis” sa regalong ito upang patuloy kong magamit di bilang isang karera kundi upang ipaaalam, na sa bawa’t bagay na ating pinagdaraanan at nararanasan sa buhay ay may Diyos na sa atin ay nagmamahal at sumusubabay. Para sayo Panginoon ang kakayahang ito! At panalangin ko na bawa’t titik ay tumatak, bawat pantig ay umantig at bawat salita ay sumalit sa kawalan ng pag-asa at pananampalataya! Sabay-sabay mo kaming hubugin upang kami’y maging karapat-dapat sayo!