Bilang panganay na anak ako ay nakaranas ng kamusmusan sa panahon kung saan kami ay hindi pa gaanong nakaaalwan sa buhay, naalala ko nuon na ang okasyon lamang upang ako ay nakakabili ng lobo at makakain ng masarap na sorbetes ay minsan isang taon, tuwing kami ay pupunta sa Antipolo para sa anibersaryo ng aking mga magulang. Di maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko at buong pananabik ko inaabangan ang pagkakataong ito. Naalala ko rin nuong panahong lumipad ang lobong aking hawak hawak, di ako maawat sa pag iyak at pag-asang makukuhang muli ang lobong napakataas ng nakalipad, sa tagal ng palahaw ay nakalimutan kong hawak hawak ko pa pala ang masarap na sorbetes na unti-unting natutunaw sa aking kamay...Naisip ko,kung hinayaan ko sana at tinanggap ang paghulagpos ng lobong iyon sa aking kamay ay di ko nahayaang matunaw ang sorbetes na aking hawak hawak. Sa buhay madalas nararanasan natin ito dahil di natin makuhang pakawalan ang ilang bagay o tao ay nakakalimutan natin ang kahalagahan ng mga bagay na ating tangan tangan. Inakala kong mahalaga ang lobong magara lamang sa paningin ngunit "hangin ang laman" kapalit ng masarap at nakakapawing init na sorbetes kong tangan. Marahil ito ang dahilan kung kaya't di ko hinayaang maakit ang aking anak at mahalina sa makukulay at matatayog ng lobo, ngunit kapalit nito ay ang bawa't araw na buong pananabik namin inaabangan ang pagkalembang ng mamang sorbetero, di lamang minsan isang taon kundi bawa't araw kung may pagkakataon....Mamang sorbetero tayo'y sumayaw kalembang mong hawak muling ikaway ♪♫...Init ng buhay pinapawi mo, sama ng loob nalilimutan ko... ♪♫
0 comments:
Post a Comment