Maraming bagay patungkol sa buhay ang mahirap maabot ng kaisipan, ni di kayang maunawaan kung bakit nagyayari...katulad na lamang ng kung bakit may mabubuting taong naghihirap habang may mga itim ang budhing nagtatamasa ng karangyaan sa buhay, mga taong masigasig at masipag na patuloy ang pakikipagsapalaran sa buhay at mga tamad na sila mismo ang umaayaw sa mga oportunidad na nakalatag sa kanila, may asawang hindi makuntento sa isa habang may mga taong halos lumakad ng paluhod magkaroon lamang ng katuwang sa buhay, mga batang ipinanganak upang magutom at abusuhin habang may mga mag-asawang abot langit ang hiling mabigyan lamang ng kahit na isang supling....
Hindi ko na tutukuying ngunit ilan sa mga nabanggit kong misteryo ng buhay ang aking naranasan, Aaminin kong may mga pagkakataong naitanong ko sa Diyos kung bakit kailangan kong pagdaaanan ang mga ito..HIRAP at SAKIT, LUHA at PIGHATI...PAGTITIIS AT PASAKIT... Hangga't sa napagod na lamang ako sa kahahanap ng kasagutan at tinanggap ang malimit na isinasagot ng marami patungkol sa mga bagay na ito...MAY DAHILAN ANG DIYOS SA LAHAT NG NAGYAYARI SA BUHAY NATIN!
Isinuko ko ang buhay sa Panginoon at ibinigay ang abot ng aking makakaya upang mapagsilbihan siya...hindi ako perpektong tao, nadarapa parin ako, at aaminin kong may mga aspeto pa ng buhay ko ang kailangang linisin ng Panginoon, ako'y patuloy paring hinuhubog ng Panginoon at panalangin ko't isang araw ay maging karapa't dapat ako sa pag-ibig Niya. "Christians are not perfect, they are just forgiven" ang sabi ng aming pastor.
Patuloy parin ang aking pakikipaghamok sa buhay, nasasaktan parin ako, naghihirap at nagtitiis, ngunit ngayon di ko na naisip kuwestiyonin ang Diyos kung bakit kailangan ko paring maranasan ang mga ito sa kabila ng pagsuko ko ng buhay ko sa Kanya...dahil ngayon, mulat hindi lang ang mga mata ko kundi ang puso ko na makita at maramdaman na sa bawa't kabanata ng buhay ko, KASAMA KO ANG PANGINOON! Madalas kapalit ng bawa't hirap at sakit na dulot ng aking kapwa ang misteryo ng pagpapalang nagmumula sa Kanya. Maraming beses, paulit-ulit ako'y Kanyang ibinabangon at sa bawa't pagbangon ako ay nagiging mas matatag, kapalit ng kasalatan at biyayang nagmumula sa Diyos. Nag-uumapaw, hindi nauubos!
Tunay nga O Diyos na ikaw ang bukal ng karunungan at nakababatid ng lahat ng bagay, patuloy mong hulmahin ang aking pagkatao, pandayin ang isip upang matuklasan ang mga aral na iyong nais ituro, hubugin ang puso upang maging karapat dapat sa pagmamahal mo at imulat ang mga mata upang makita na Ikaw ay kasama ko sa bawa't sandali ng buhay ko!
MISTERYO NG BUHAY AT PAGPAPALA NG DIYOS
Posted by
Unknown
Wednesday, June 13, 2012
Labels: aral , inspirational , kahirapan , misteryo ng buhay , pagpapala. buhay kristiyano , pagsubok
0 comments:
Post a Comment